Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos – Mga Aklat|Ang tinig ng Diyos | Tanging ang mga Nakaaalam ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Makapaglilingkod sa Diyos
Upang makapagpatotoo sa Diyos at mapahiya ang malaking pulang dragon, dapat mayroon kang prinsipyo at isang kondisyon: Dapat mong mahalin ang Diyos sa iyong puso, at pumasok sa mga salita ng Diyos. Kung hindi ka papasok sa mga salita ng Diyos, kung gayon wala kang paraan na pahiyain si Satanas. Sa iyong pagsulong sa buhay, itinatakwil mo ang malaking pulang dragon at lubos na ikinahihiya ito, at sa pamamagitan lamang nito talagang mapapahiya ang malaking pulang dragon. Habang higit mo pang sinasang-ayunang isagawa ang mga salita ng Diyos, lalo mong napatutunayan ang pag-ibig mo sa Kanya at ang pagkamuhi mo sa malaking pulang dragon; habang higit mo pang sinusunod ang mga salita ng Diyos, lalong napatutunayan ang pagkasabik mo sa katotohanan. Ang mga taong hindi nasasabik sa mga salita ng Diyos ay mga taong walang buhay. Ang mga gayong tao ay nasa labas ng mga salita ng Diyos, at mga kaanib sa relihiyon. Ang mga taong tunay na naniniwala sa Diyos ay may mas malalim na kaalaman sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita. Kung 'di mo kinasasabikan ang mga salita ng Diyos, hindi ka totohanang nakakakain at nakaiinom ng Kanyang mga salita, at kapag wala kang kaalaman sa mga salita ng Diyos, wala kang paraan para magpatotoo sa Diyos o magbigay kasiyahan sa Kanya.
Sa iyong paniniwala sa Diyos, paano mo Siya makikilala? Dapat mong makilala ang Diyos sa pamamagitan ng mga salita at mga gawain ng Diyos sa ngayon, nang walang paglihis o kamalian, at bago ang lahat ng iyan, dapat mong malaman ang gawain ng Diyos. Ito ang pundasyon tungkol sa pagkilala sa Diyos. Lahat ng mga iba’t-ibang kamalian na walang dalisay na pagtanggap sa mga salita ng Diyos ay pawang mga relihiyosong pagkaintindi, ang mga ito’y pagtanggap na lihis at mali. Ang pinakadakilang kakayahan ng mga pinuno ng relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na tinanggap noong nakaraan at ang pagkukumpara ng mga ito sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung sa iyong paglilingkod sa Diyos ngayon, kumapit ka sa mga bagay na niliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, kung gayon ang iyong paglilingkod ay magdudulot ng pagkaantala, at ang iyong pagsasagawa ay malilipasan ng panahon at pawang relihiyosong seremonya lamang. Kung pinaniniwalaan mo na ang mga naglilingkod sa Diyos ay kailangang nasa anyong mapagpakumbaba at matiisin…, at kung iyong isagawa ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, samakatwid ang gayong kaalaman ay relihiyosong pagkakaintindi, at ang gayong pagsasagawa ay naging pagpapaimbabaw na pagganap. Ang mga “relihiyosong pagkaintindi” ay tumutukoy sa mga bagay na luma at lipas na (kabilang na ang pagtanggap sa mga sinalita ng Diyos noong una at ang liwanag na tuwirang ibinunyag ng Banal na Espiritu), at kapag isinagawa ang mga ito sa ngayon, sa gayon ang mga ito ay hadlang sa gawain ng Diyos, at walang pakinabang sa tao. Kung hindi aalisin ng tao sa kanyang loob ang gayong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong pagkaintindi, sa gayon ang mga ito ay magiging malaking hadlang sa paglilingkod ng tao sa Diyos. Ang mga tao na may mga relihiyosong pagkakaintindi ay walang paraan para masabayan ang mga paghakbang sa gawain ng Banal na Espiritu, nahuhuli sila nang isang hakbang, at pagkatapos ay dalawa—dahil ang mga relihiyosong pagkaintinding ito ay nagdudulot sa tao ng pagiging sobrang mapagmatuwid at arogante. Walang pananabik sa nakaraan ang Diyos sa nasambit o nagawa Niya noong una; kung ito’y lipas na, ito’y aalisin na Niya. Tiyak na magagawa mong bitawan na ang iyong mga pagkakaintindi? Kung ikaw ay mangunguyapit sa mga salita ng Diyos noong una, katunayan ba ito na alam mo na ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo pa tinatanggap ang liwanag ng Banal na Espiritu sa ngayon, at sa halip ay mangunguyapit sa liwanag ng nakaraan, mapatutunayan ba nito na ikaw ay sumusunod sa mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba mabitawan ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi? Kung iyan ang lagay mo, ikaw ay magiging isang kumakalaban sa Diyos.
Kung kayang bitawan ng tao ang mga relihiyosong pagkaintindi, kung gayon hindi niya gagamitin ang kanyang kaisipan para sukatin ang mga salita at mga gawain ng Diyos ngayon, at sa halip siya ay tuwirang susunod. Bagaman ang gawain ng Diyos ngayon ay naipapakita na di-tulad nang sa nakaraan, magagawa mong bitawan ang mga nakalipas na pananaw at tuwirang sumunod sa gawain ng Diyos ngayon. Kung ikaw ay may kakayahan sa gayong kaalaman na itatanyag mo ang mga gawa ng Diyos sa ngayon kahit paano man Siya gumawa noon, kung gayon ikaw ay taong nabitawan na ang kanilang mga pagkaintindi, sumusunod sa Diyos, at siyang nakatatalima sa mga gawa at mga salita ng Diyos, at sinusundan ang mga yapak ng Diyos. Sa ganito, ikaw ay magiging isang tunay na sumusunod sa Diyos. Hindi mo sinusuri o pinag-aaralan ang gawain ng Diyos; na para bang nilimot ng Diyos ang Kanyang dating gawain, at ikaw, rin, nalimutan mo rin ito. Ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan, at ang nakaraan ay ang nakaraan, at yamang isinantabi na ngayon ng Diyos ang ginawa Niya noong una, hindi ka na dapat manatili pa rito. Sa gayong paraan ka lamang magiging lubos na sumusunod sa Diyos at tuluyang nabitawan ang kanilang mga relihiyosong pagkaintindi.
Sapagka’t laging mayroong mga pagsulong ang gawain ng Diyos, kaya mayroong bagong gawain, at kaya mayroon ding gawain na lipas at luma na. Itong luma at bagong gawain ay hindi nagkakasalungat, bagkus ay magkaugnay; bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. At dahil may bagong gawain, ang lumang mga bagay ay tiyak na dapat maalis. Bilang halimbawa, ang ilan sa mga matagal nang pagsasagawa at kinasanayang kasabihan ng mga tao, kasama na ang mga napakaraming karanasan at mga turo, ay bumuo ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi sa kaisipan ng tao. Nguni’t mas angkop sa pagkakabuo ng gayong mga pagkakaintindi ng tao ay ang 'di pa ganap na pagbubunyag ng Diyos ng Kanyang mukha at likas na disposisyon sa tao, kaalinsabay ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teoriya mula sa sinaunang panahon. Makatuwirang sabihin na sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t-ibang pagkaintindi ay nagbigay-daan sa patuloy na pagkabuo at pagsulong ng isang kaalaman sa tao na kung saan ay mayroon siya ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi ukol sa Diyos—na nagresulta sa maraming relihiyosong tao na naglilingkod sa Diyos ang naging mga kaaway Niya. At kaya, habang lumalakas ang mga relihiyosong pagkakaintindi ng mga tao, lalo lamang nilang kinakalaban ang Diyos, at mas lalong nagiging mga kaaway ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at hindi luma kailanman, at hindi ito bumubuo ng doktrina at sa halip, ito ay patuloy na nagbabago at napanunumbalik sa mas malaki o sa mas maliit na sakop. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na panuntunan ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung saan isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang pamamahala. Kung hindi sa ganitong paraan gumawa ang Diyos, hindi magbabago ang tao at hindi makukuhang makilala ang Diyos, at si Satanas ay hindi madadaig. Kaya, sa Kanyang gawain may malimit na nangyayaring mga pagbabago na kung titingnan ay pamali-mali, ngunit ang mga ito sa totoo lang ay pana-panahon. Ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos, gayunman, ay lubhang naiiba: Nangunguyapit siya sa luma, kilalang mga doktrina at mga sistema, at habang mas luma nagiging mas katanggap-tanggap ang mga ito sa kanya. Papaanong ang hangal na pag-iisip ng tao, isang pag-iisip na kasintigas ng bato, ay tatanggap ng ganoong di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto lang niya ay ang makaluma at lumang Diyos na puti ang buhok at walang kibo. Sa gayon, sapagkat ang Diyos at ang tao ay may kani-kanyang mga kagustuhan, ang tao ay naging kaaway ng Diyos. Marami sa mga salungatang ito ay umiiral pa rin hanggang sa ngayon, sa panahon na ang Diyos ay nagsasagawa na ng gawain sa loob nang halos anim na libong taon. Kung gayon, sila ay wala nang lunas. Ito marahil ay dahil matigas ang ulo ng tao o walang sinumang tao ang maaring labagin ang kautusang pinamamahalaan ng Diyos—ngunit ang mga mangangaral ay kumakapit pa rin sa mga inaamag na mga lumang libro at mga babasahin, samantalang nagpapatuloy ang Diyos sa Kanyang hindi pa nakukumpletong gawain ng pamamahala na parang wala Siyang kasama sa Kanyang tabi. Sa kabila na ang mga pagsasalungatang ito ay ginawang magkaaway ang Diyos at ang tao, at lalong hindi maaaring papagkasunduin, hindi sila pinapansin ng Diyos, na parang nandoon sila samantalang wala naman. Gayunman, ang tao ay nananatili pa rin sa kanyang mga paniniwala at mga pagkakaintindi, at 'di kailanman binibitawan ang mga ito. Ngunit isang bagay ang maliwanag: Hindi man lumihis ang tao sa kanyang paninindigan, ang mga paa ng Diyos ay laging kumikilos at lagi Niyang iniiba ang Kanyang posisyon batay sa kapaligiran, at sa katapusan, ang tao ang siyang magagapi nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang pinakadakilang kaaway sa lahat ng Kanyang mga kalaban na nagapi na, at Siya ring kampeon sa gitna ng sangkatauhan na nagapi na at silang hindi pa nagagapi. Sino ang maaaring makipagtuos sa Diyos at manalo? Ang mga pagkakaintindi ng tao ay parang galing sa Diyos sapagkat marami sa mga ito ay lumitaw sa kalagitnaan ng paggawa ng Diyos. Nguni’t hindi patatawarin ng Diyos ang tao dahil dito at higit pa rito, ni hindi Siya magbubuhos ng papuri sa tao sa paggawa ng pulu-pulutong na mga produkto “para sa Diyos” na nangasa-labas ng gawain ng Diyos. Sa halip, Siya ay labis-labis na nasusuklam sa mga pagkakaintindi ng tao at lumang, nagbabanal-banalang paniniwala, at ni hindi pinapansin ang petsa kung kailan ang mga pagkaintindi na ito ay nagsimulang lumitaw. Ni hindi Niya tinatanggap na ang mga pagkakaintindi na ito ay bunga ng Kanyang gawain, sapagkat ang mga pagkaintindi ng tao ay ipinalalaganap ng tao; ang kanilang pinagmulan ay sa kalooban at pag-iisip ng tao, hindi ng Diyos, nguni’t ni Satanas. Ang palagiang layunin ng Diyos para sa Kanyang gawain ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at ito ang kung saan ang ginawa Niyang panghawakan ng tao ay nahahati sa mga kapanahunan at mga panahon, hindi walang hanggan at di-mababago. Ito ay dahil sa isa Siyang Diyos na nagiging dahilan upang mabuhay ang tao at maging bago, sa halip na isang diablo na nagiging dahilan upang mamatay ang tao at tumanda. Hindi mo pa rin ba ito maunawaan? May mga pagkaintindi ka tungkol sa Diyos na hindi mo mabitawan dahil sarado ang iyong isip. Hindi ito dahil halos walang saysay ang gawain ng Diyos o dahil ang gawain ng Diyos ay hindi makatao—ni, higit sa rito, ito ay dahil sa ang Diyos ay palaging pabaya sa Kanyang mga tungkulin. Na hindi mo magawang bitawan ang iyong mga pagkaintindi ay dahil masyado kang kulang sa pagsunod, at sapagka’t wala ka ni katiting na pagkakahawig sa isang nilalang ng Diyos, at hindi dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ang lahat ng ito ay kagagawan mo, at walang kinalaman sa Diyos; lahat ng paghihirap at kasawian ay kagagawan ng tao. Ang mga layunin ng Diyos ay palaging mabuti: Hindi Niya ninanais na lumikha ka ng mga pagkakaintindi, nguni’t ninanais Niyang magbago ka at mapanibago habang lumilipas ang mga panahon. Nguni’t hindi ka mahusay kumilatis ng pagkakaiba, at palagi na lang nag-aaral o nagsusuri. Hindi naman sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, lamang ay wala kang paggalang sa Diyos, at napakalawak ng iyong pagsuway. Ang isang maliit na nilalang ay nangahas na kunin ang ilang walang kuwentang bahagi na ipinagkaloob na noong una ng Diyos, at binaligtad ito upang atakihin ang Diyos—hindi ba ito ang pagsuway ng tao? Ang tao, makatwiran lamang sabihin, ay lubos na hindi karapat-dapat na ipahayag ang kanyang mga palagay sa harap ng Diyos, lalong hindi siya karapat-dapat maglabas ng kung anumang walang kabuluhan, mabaho, nabubulok na mga kawikaan na gusto niya—huwag nang banggitin ang mga inaamag na mga pagkaintindi. Hindi ba sila mas lalong walang kabuluhan?
Ang tunay na naglilingkod sa Diyos ay isang tao na ayon sa puso ng Diyos at nararapat na gamitin ng Diyos, at nakahandang bitawan ang kanilang mga relihiyosong pagkaintindi. Kung ninanais mo na ang pagkain at ang pag-inom sa mga salita ng Diyos ay maging matagumpay, kung gayon ay dapat mong bitawan ang iyong mga relihiyosong pagkaintindti. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, kung gayon ay mas lalong kailangang bitawan mo muna ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi at sundin ang mga salita ng Diyos sa lahat ng iyong gagawin. Ito ang dapat na maangkin ng sinumang naglilingkod sa Diyos. Kung wala kang kaalamang ganito, habang ikaw ay naglilingkod, makapagdudulot ka ng mga pagkaantala at mga kaguluhan, at kung ikaw ay mananatili pa ring nakakapit sa iyong mga pagkaintindi, kung gayon ay walang pagsalang pababagsakin ka ng Diyos, 'di na kailanman makababangon pa. Gaya halimbawa, sa kasalukuyan. Marami sa mga pagbigkas at gawain sa ngayon ang di-kaayon sa Biblia, at di-kaayon sa gawaing ginawa ng Diyos noong una, at kung wala kang pagnanais na makasunod, kung gayon ay maaari kang bumagsak anumang oras. Kung nais mong maglingkod nang naaayon sa kalooban ng Diyos, kung gayon ay bitawan mo muna ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi at iwasto ang iyong sariling mga palagay. Karamihan sa mga nasabi na sa hinaharap ay di-kaayon ng kung ano ang mga nasabi na noong nakaraan, at kung sa ngayon ay wala ka pa ring kakayahang sumunod, hindi ka makatatahak sa landas na darating. Kung isa sa paraan ng paggawa ng Diyos ang nag-ugat na sa loob mo at 'di mo kailanman binitawan, kung gayon ang kaparaanan na ito ang siyang magiging iyong relihiyosong pagkaintindi. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, kung gayon ay nakamit mo ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay may kakayahang maging iyong buhay, hindi ka na magkakaroon ng mga pagkaintindi tungkol sa Diyos. Silang mga nagtataglay ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga pagkaintindi, at hindi mananahan sa doktrina.
Gisingin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga sumusunod na mga katanungan:
1. Ang kaalaman ba sa loob mo ay humahadlang sa iyong paglilingkod sa Diyos?
2. Gaano karaming mga relihiyosong pagsasagawa ang nariyan sa araw-araw mong pamumuhay? Kung kaya mo lamang magpakita ng kabanalan sa panlabas, ibig bang sabihin na ang iyong buhay ay sumulong at lumago na?
3. Kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, binibitawan mo ba ang iyong mga relihiyosong pagkaintindi?
4. Kapag ikaw ay nananalangin, nagagawa mo bang iwaksi ang relihiyosong seremonya?
5. Ikaw ba ay isang taong nararapat gamitin ng Diyos?
6. Gaano karami sa kaalaman mo sa Diyos ang nagtataglay ng mga relihiyosong pagkaintindi?
Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Pag-imbestiga sa Kidlat ng Silanganan
Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos
0 Mga Komento