7. Ang Kaibahan sa Pag-itan ng Panlabas na Mabubuting Mga Gawa at mga Pagbabago sa Disposisyon.

Ebanghelyo,paniniwala,ipahayag,

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ano ang pagbabago ng disposisyon? Dapat kang maging isang mangingibig ng katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng salita ng Diyos habang nararanasan mo ang Kanyang gawain, at danasin ang lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino, sa pamamagitan nito ikaw ay dinadalisay sa mala-satanas na mga lason sa loob mo. Ito ang pagbabago sa disposisyon. … Ang pagbabago sa disposisyon na sinasabi sa tahanan ng Diyos ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagkat iniibig niya at kayang tanggapin ang katotohanan, sa wakas ay nakarating siya sa pagkaunawa sa kanyang kalikasang masuwayin at lumalaban sa Diyos; nauunawaan niya na ang katiwalian ng tao ay napakalalim at nauunawaan ang kabalintunaan at pagiging mapanlinlang ng tao. Nalalaman niya ang kasalatan at pagiging kahabag-habag ng tao, at nauunawaan sa wakas ang kalikasan at pinakadiwa ng tao. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, maitatanggi niya at matatalikuran ang kanyang sarili nang lubos, mabubuhay sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at maisasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Nakikilala ng gayong tao ang Diyos at nagawang baguhin ang kanyang disposisyon.

mula sa “Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Ang isang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa isang pagbabago sa iyong kalikasan. Ang kalikasan ay hindi isang bagay na maaari mong makita mula sa panlabas na mga paggawi; ang kalikasan ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng pag-iral ng mga tao. Ito ay may tuwirang kinalaman sa mga pagpapahalaga sa buhay ng tao, ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kaluluwa, at ang pinakadiwa ng tao. Kung hindi kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, kung gayon sila ay walang mga pagbabago sa ganitong mga aspeto. Kapag naranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nakapasok nang tuluyan sa katotohanan, binago ang kanilang mga pagpapahalaga at mga pananaw sa pag-iral at buhay, namalas ang mga bagay sa katulad na paraan ng sa Diyos, at magagawang lubos na magpasakop at italaga ang kanilang mga sarili sa Diyos saka lamang maaaring sabihin na ang kanilang mga disposisyon ay nabago. Maaaring ikaw ay lumilitaw na naglalaan ng ilang pagsisikap, maaaring ikaw ay matatag sa harap ng mga kahirapan, maaaring magawa mong ipatupad ang mga kaayusan ng gawain mula sa itaas, o maaaring magawa mong makapunta saan mang dako ka atasang magpunta, subalit ang mga ito ay maliliit na pagbabago lamang sa iyong mga pagkilos, at ang mga ito ay hindi sapat na maging isang pagbabago sa iyong disposisyon. Maaaring magawa mong kayaning tumakbo sa maraming landasin, at maaaring magawa mong magdanas ng maraming mga kahirapan at magbata ng malaking kahihiyan; maaaring madama na napakalapit mo sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iyo, gayunman kapag hinihiling ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi kaayon sa iyong mga paniwala, hindi ka pa rin nagpapasakop, naghahanap ka ng mga dahilan, at ikaw ay naghihimagsik at nilalabanan ang Diyos, maging hanggang sa puntong sinisisi mo ang Diyos at nagpoprotesta laban sa Kanya. Ito ay isang malalang suliranin! Pinatutunayan nito na mayroon ka pa ring kalikasan na labanan ang Diyos at na hindi ka nagbago nang kahit na kaunti lamang.

mula sa “Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Iyong Disposisyon ” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi nangangahulugan na hinihingi Niya sa iyo na maging isang mabuting tao, na maging isang taong maayos ang pag-uugali, o masunurin sa batas, o isang taong hindi kayang mag-isip para sa sarili nila o gamitin ang sarili nilang utak. Dati nang iniisip ng mga tao na ang mga pagbabago sa disposisyon na nagmula sa paniniwala sa Diyos ay nangangahulugang pagiging disenteng tao, na nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaunting panlabas na wangis ng tao, pinalaking maayos at matiisin, mukhang banal at mapagmahal, o handang tumulong sa kapwa at mapagkawanggawa. Sa madaling salita, ito ay nangangahulugang pagiging ang uri ng mabuting tao na umiral sa kanilang mga pagkaintindi at guniguni. Katulad ito ng kung paano maraming tao sa mundo ang nagsasabing: “Kung mayaman ka, dapat kang magbigay sa mahihirap o mga pulubi.”.... Kaya naman, maraming tao ang naniniwala na ang pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi kaunting mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali ng isang tao, pag-iisip, at mga pagkilos, at mayroon pa ngang ilang mga tao na naniniwalang ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagdurusa ng maraming kahirapan, hindi pagkain ng masasarap na pagkain, at hindi pagsusuot ng magagarang kasuotan. Sa Kanluran, halimbawa, mayroong isang katolikong madre (Ang Katolisismo ay isa ring relihiyon; sa mga madre, isa rin itong uri ng pananampalataya) na naniwala na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang paggugol sa kanyang buong buhay sa higit pang pagdurusa, pagkain nang mas kaunting masustansiyang pagkain, hindi pagkakait ng anumang layaw sa buhay para sa kanyang sarili, at pagbibigay ng pera sa mahihirap o nangangailangan kung mayroon siya nito—o kung hindi naman ay paggawa ng mas marami pang kabutihan, pagiging mas mapagbigay sa mga tao, at pagiging mas matulungin sa mga ibang tao. Sa kanyang buong buhay wala siyang ginawa kundi ang magdusa, at hindi kumain ng anumang masasarap na pagkain o nagsusuot ng anumang magagarang kasuotan. Noong namatay siya, wala siyang anumang suot na nagkakahalaga ng mahigit sa dalawang dolyares; ang kanyang mga gastusin sa araw-araw ay umabot din lang sa ilang dolyar. Ang kanyang kuwento ay maaaring napaulat bilang isang karaniwan o malaking balita sa buong mundo. At ano ang ipinapakita nito? Sa mga mata ng sangkatauhan, tanging ang isang taong tulad nito ang taong mabuti at may kagandahang-loob, sila lamang ang isa sa mga yaong pinaniniwalaan ng relihiyosong komunidad na gumagawa ng mga bagay na may kagandahang-loob at mabubuting gawa, sila lamang ang nagbago na, at tunay na may pananampalataya sa Diyos. Kaya nga posible na kayo ay walang pagkakaiba: Walang pagdududa na pinaniniwalaan ninyo na ang pananalig sa Diyos at pagkakaroon ng pananampalataya ay tungkol sa pagiging isang mabuting tao. Ito ay tungkol sa pagiging isang tao na hindi nakikipag-away sa iba, o sinusumpa sila, o nagmumura, isang taong hindi gumagawa ng mga masasamang bagay, isang taong mukhang naniniwala sa Diyos; may ilang nagsasabing pagiging isang tao na nabibigay-luwalhati sa Diyos.... Nais ng Diyos na iligtas ang tao, nakapagsalita na Siya ng maraming salita, at nakagawa na ng maraming gawain—at kung gayon ano ang nais Niyang maging wangis ng mga tao? Nais Niya na ang kanilang mga iniisip ay mapatnubayan ng katotohanan, at para kanilang ipamuhay ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng mga salawikain ng katotohanan. Hindi Niya hinihingi na ikaw ay maging di-nag-iisip tulad ng papet, lalong hindi Niya nais na ikaw ay maging walang-kibo tulad ng gulay, walang anumang normal na mga emosyon. Sa halip, ninanais Niya na ikaw ay maging isang normal na tao na minamahal ang minamahal Niya, at kinamumuhian ang kinamumuhian Niya, kayang magalak sa ikinagagalak Niya, at hinahamak at itinatakwil ang hinahamak Niya. ... Dahil dito kaya sinasabi Ko na hindi ninyo alam kung ano ang ibig sabihin ng mga pagbabago sa disposisyon. Naglalagay lamang kayo ng mga limitasyon sa inyong mga sarili sa inyong pag-uugali, sa inyong panlabas na pagkilos, at sa inyong pagtitimpi at pagkatao. Magiging imposible para sa iyo na matamo ang mga pagbabago sa iyong disposisyon sa ganitong paraan. Nasaan sa mga salita ng Diyos nasasaad na kayo ay dapat maglagay ng mga limitasyon sa inyong mga sarili, na dapat ninyong bantayan ang inyong mga salita, panghawakan ang inyong mga emosyon at pigilan ang inyong init ng ulo, at na dapat kayong mag-ingat sa paglalantad ng inyong mga natural na sarili, at na dapat nagpipigil sa mga kasuotang inyong binibili at isinusuot? Kahit kailan ba ay sinabi Niya ang ganoong mga salita? Kahit na may mga pagbanggit ng mga ganoong bagay, hindi ang mga iyon ang pinakabuod ng Kanyang mga salita, ni hindi ang mga iyon ang pangunahing mga katotohanan na nagdadala ng mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao. Karamihan sa mga salita ng Diyos ay nagsasabi tungkol sa tiwaling sangkap ng tao, tungkol sa kung paanong malalaman ang tiwaling sangkap ng tao, paanong makakamtan ng tao ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung paanong tunay niyang malalaman ang kanyang tiwaling sangkap, at kung paano siyang makakalaya mula sa kanyang tiwaling disposisyon upang kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at maging isang tao na ayon sa sariling puso ng Diyos, at nagbibigay-kaluguran sa nais ng Diyos. Kung nauunawaan ninyo ito, ilalagay ninyo pa rin ba ang inyong mga pagsisikap sa mga panlabas na mga pagkilos? Itatali ninyo pa rin ba ang inyong mga sarili sa ganitong mababaw na mga bagay? Kaya naman, kung hindi mo naiintindihan ang kahulugan ng mga pagbabago sa disposisyon, hindi mo kailanman matatarok ang sangkap ng mga pagbabago sa disposisyon, at hindi kailanman makakamtan ang mga pagbabago sa iyong disposisyon. Lalo na, ilan mula sa relihiyosong komunidad na katatanggap pa lamang nitong yugto ng gawain na kailangan pang gawing ganap ang paglipat mula sa relihiyosong seremonya at relihiyosong pag-iisip at mga pananaw sa kanilang kaisipan at palagay tungo sa paniniwala sa Diyos; sinusubukan pa rin nilang maging espirituwal, at banal, at matiyaga, na maging isa na likas na disente, na natutuwang gumawa ng mabuti at magbigay sa iba. Ito ay talagang mali! Kung iyong hinahabol ang pagiging isang taong tulad niyon, hindi ka kailanman mapupuri ng Diyos.

mula sa “Ano ang Pagbabago sa Disposisyon at ang Daan sa Pagbabago sa Disposisyon” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Naglalagay ang karamihan ng mga tao ng diin sa paggawi sa kanilang pananampalataya sa Diyos, bilang resulta ng gayon mayroong nagaganap na mga pagbabago sa kanilang paggawi. Pagkatapos maniwala sa Diyos, tumitigil sila sa pakikipagpunyagi sa iba, itinitigil nila ang pakikipaglaban sa mga tao at pang-iinsulto sa kanila, itinitigil nila ang paninigarilyo at pag-inom, hindi sila nagnanakaw ng anumang pag-aari ng publiko—maging ito man ay isang pako o isang mahabang piraso ng tabla—at sila ay umaabot pa sa hindi pagdulog sa hukuman kapag sila ay nawawalan o ginawan ng mali. Walang pagdududa, ilang mga pagbabago ang nagaganap sa kanilang paggawi. Sapagkat, pagkatapos maniwala sa Diyos, ang pagtanggap sa tunay na daan ay nakapagdudulot talaga sa kanila ng mabuting pakiramdam, at dahil natikman din nila ang biyaya ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay talagang taimtim, at walang kahit anuman ang hindi nila maaaring talikuran o gagawin. Ngunit pagkatapos makapaniwala sa loob ng tatlo, lima, sampu, o tatlumpung taon—sapagkat walang naging pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, sa bandang huli sila’y muling nagbabalik sa dating mga pamamaraan, ang kanilang kayabangan at kapalaluan ay lumalago, at nagsisimula silang makipaglaban para sa kapangyarihan at kapakinabangan, iniimbot nila ang salapi ng iglesia, ginagawa nila ang anumang bagay para sa kanilang mga pakinabang, labis nilang hinahangad ang katayuan at mga kaaliwan, at sila ay nagiging palaasa sa tahanan ng Diyos. Karamihan sa mga lider, lalo na, ay iniiwang mag-isa. At ano ang pinatutunayan ng mga katotohanang ito? Ang mga pagbabago na hindi hihigit kaysa sa paggawi ay hindi napapanatili. Kung walang pagbabago sa disposisyon sa buhay ng mga tao, hindi magtatagal ay lilitaw ang kanilang masamang bahagi. Sapagkat ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa kanilang paggawi ay sigasig, kalakip ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, masyadong napakadali para sa kanila na maging maalab, o maging mabuti sa loob ng ilang panahon. Kagaya ng sinasabi ng mga hindi sumasampalataya, “Ang paggawa ng isang mabuting gawa ay madali, ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Walang kakayahan ang mga tao sa paggawa ng mabubuting gawa sa buong buhay nila. Ang kanilang paggawi ay idinidikta ng buhay; kung anuman ang kanilang buhay, gayundin ang kanilang paggawi, at yaon lamang likas na ibinunyag ang kumakatawan sa buhay, at sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay na huwad ay hindi nagtatagal. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang iligtas ang tao, hindi upang palamutian ang tao ng mabuting paggawi—ang gawain ng Diyos ay para baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling ipanganak na bagong mga tao. Kaya naman, ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay lahat para baguhin ang kanyang disposisyon, para matamo niya ang ganap na pagkamasunurin at katapatan sa Diyos, at ang normal na pagsamba sa Diyos. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi kapareho ng pagsunod sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa paggawi ay batay sa doktrina, at iniluwal dahil sa sigasig—hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman ukol sa Diyos, o sa katotohanan, lalong hindi dahil sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagamat may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito ang pagpapahayag ng buhay, lalong hindi ito kapareho ng pagkakilala sa Diyos; gaano man kabuti ang paggawi ng isang tao, hindi nito pinatutunayan na sinusunod nila ang Diyos, o na isinasagawa nila ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa paggawi ay panandaliang ilusyon, ang mga ito ang pagpapahiwatig ng sigasig, at ang mga ito ay hindi ang pagpapahayag ng buhay. … Maaaring magpakabait ang mga tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na taglay nila ang katotohanan. Nagagawa lamang ng sigasig ng mga tao na sumunod sila sa doktrina at sundin ang patakaran; ang mga tao na walang katotohanan ay walang pag-asa sa paglutas ng mga makabuluhang suliranin, at hindi makapaninindigan ang doktrina para sa katotohanan. … Ang ilan sa mga bagong mananampalataya, pagkatapos maniwala sa Diyos, ay nilisan ang sekular na mundo; kapag sila ay nakatatagpo ng mga hindi sumasampalataya wala silang anumang nasasabi, at madalang lamang silang makipagkita sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan, at sinasabi ng mga hindi sumasampalataya, “Ang taong ito ay talagang nagbago.” Kaya iniisip nila, “Ang aking disposisyon ay totoong nagbago—sinasabi ng mga hindi sumasampalataya na ako ay nagbago.” Sa katunayan, nagbago ba talaga ang kanilang disposisyon? Hindi. Ang mga ito ay panlabas na mga pagbabago lamang. Walang naging pagbabago sa kanilang buhay, at ang kanilang dating kalikasan ay nagpapatuloy na nakatimo sa loob nila, ganap na hindi nagalaw. Paminsan-minsan, ang mga tao ay hinahawakang mahigpit ng lakas ng loob dahil sa gawain ng Banal na Espiritu; ang ilang panlabas na mga pagbabago ay nagaganap, at mayroon silang kaunting mabubuting gawa. Ngunit hindi ito kapareho ng mga pagbabago sa disposisyon. Ikaw ay walang katotohanan, ang iyong pananaw ukol sa mga bagay ay hindi nagbago, ni walang pagkakaiba mula sa yaong mga hindi sumasampalataya, at ang iyong mga pagpapahalaga at pananaw sa buhay ay hindi nabago. Ni wala kang puso na gumagalang sa Diyos, na siyang pinakamababa na dapat mong mataglay. Napakalayo nito mula sa mga pagbabago sa iyong disposisyon.

mula sa “Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Panlabas na mga Pagbabago at mga Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Sa kinasasaklawan ng relihiyon, maraming tao ang nagdurusa nang hindi walang-kabuluhan sa kabuuan ng kanilang buhay, sinusupil ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, kahit pa naghihirap at nagtitiis hanggang sa huli nilang hininga! Ang ilan ay nag-aayuno pa rin sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay ipinagkait nila sa kanilang mga sarili ang mga masasarap na pagkain at magarang mga kasuotan, pinahahalagahan lamang ang pagdurusa. Kinaya nilang supilin ang kanilang katawan at biguin ang kanilang laman. Ang kanilang diwa para sa pagtitiis ng pagdurusa ay kahanga-hanga. Nguni’t ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga paniwala, ang kanilang saloobing pang-isipan, at tunay na ang kanilang lumang kalikasan—wala kahit isa sa mga ito ang napakitunguhan man lamang. Wala silang tunay na pagkaunawa sa kanilang mga sarili. Ang nasa isip nilang anyo ng Diyos ay isang makalumang anyo ng isang walang-hugis at malabong Diyos. Ang kanilang paninindigan na magdusa para sa Diyos ay galing sa kanilang sigasig at kanilang positibong mga kalikasan. Kahit na sila ay naniniwala sa Diyos, hindi nila nauunawaan ang Diyos o alam ang Kanyang kalooban. Sila ay bulag na gumagawa at bulag na nagdurusa lamang para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng kahit anong halaga ang pagiging mapanuri at halos walang malasakit sa kung paano matitiyak na ang kanilang paglilingkod ay tunay ngang tumutupad sa kalooban ng Diyos. Lalong hindi nila alam kung paano makakamtan ang pagkaunawa sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos na nasa Kanyang orihinal na anyo, kundi isang Diyos na sila mismo ang may katha, isang Diyos na kanilang nabalitaan, o isang maalamat na Diyos na natatagpuan sa mga babásáhín. Sa gayon, ginagamit nila ang kanilang matalas na mga imahinasyon at ang kanilang maka-Diyos na mga puso upang magdusa para sa Diyos at akuin para sa Diyos ang gawain na nais gawin ng Diyos. Ang kanilang paglilingkod ay masyadong di-tumpak, sa gayo’y wala kahit isang tunay na naglilingkod sa Diyos sa paraang nakatutupad ng Kanyang kalooban. Kahit na gaano pa sila kahandang magdusa, ang kanilang orihinal na pananaw sa paglilingkod at kanilang nasa isip na anyo ng Diyos ay nananatiling hindi nagbabago dahil hindi pa nila napapagdaanan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagdadalisay at pagpeperpekto, at dahil walang kahit isang umakay sa kanila sa katotohanan. Kahit na naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang kahit isa sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas. Napag-alaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng alamat at sabi-sabi. Sa gayon, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng patukmu-tukmong paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang taong bulag na naglilingkod sa kanyang sariling ama. Ano ang kahuli-hulihang makakamit sa ganitong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula sa umpisa hanggang sa huli, ang kanilang paglilingkod ay hindi kailanman nagbabago. Sila ay tumatanggap lamang ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang pagiging likas at kung ano ang kanila mismong kinahihiligan. Anong gantimpala ang aanihin nito? ... Ang lahat ng hindi nakatanggap ng paghatol, hindi nakatanggap ng pagpupungos at pakikitungo, at hindi nagbago—hindi ba sila ang mga hindi lubos na nalupig? Anong silbi ng mga taong ganoon? Kung ang iyong pag-iisip, ang iyong pagkaunawa sa buhay, at ang iyong pagkaunawa sa Diyos ay hindi nagpapakita ng sariwang pagbabago at hindi nagbunga ng kahit na munting tunay na pakinabang, hindi mo kailanman makakamtan ang kahit na anong kapansin-pansin sa iyong paglilingkod! Kung walang pangitain at walang panibagong pagkaunawa sa gawain ng Diyos, hindi ka magiging isang nalupig na tao. Ang iyong paraan ng pagsunod sa Diyos ay magiging katulad niyaong mga nagdurusa at nag-aayuno—ito ay may maliit na halaga! Ito ay tiyak na dahil mayroong kaunting patotoo lamang sa kanilang ginagawa na masasabi Kong ang kanilang paglilingkod ay walang kabuluhan! Sa kanilang buong buhay, ang mga taong yaon ay nagdurusa, gumugugol ng oras sa kulungan, at sa bawa’t sandali, nagtitiis sila, binibigyang-diin ang pag-ibig at kabaitan, at pinapasan ang kanilang krus. Sila ay sinisiraang-puri at itinatakwil ng mundo at nakakaranas ng bawa’t paghihirap. Sila ay sumusunod hanggang sa huli, nguni’t, sila ay hindi pa rin nalupig at wala silang maibigay na patotoo sa pagkalupig. Hindi kakaunti ang kanilang paghihirap na dinanas, nguni’t sa loob ay talagang hindi nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang makalumang mga pag-iisip, makalumang mga paniwala, mga relihiyosong pagsasagawa, mga pagkaunawang gawa ng tao, at mga kuro-kuro ng tao ang napakitunguhan. Wala man lamang silang taglay na bagong pagkaunawa. Kahit ang katiting man ng kanilang pagkaunawa sa Diyos ay hindi totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa kalooban ng Diyos. Maaari kayang ito ay para maglingkod sa Diyos? … Kung sa paniniwala sa Diyos, ang iyong alam lamang ay pagsupil ng iyong katawan at pagtitiis ng pagdurusa, at ikaw ay nalalabuan hinggil sa kung ang ginagawa mo ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito, kung gayon paano hahantong sa pagbabago ang ganitong uri ng pagsasagawa?

mula sa “Ang Panloob na Katotohanan sa Gawaing Panlulupig (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa tuwing nagtitipun-tipon ang mga naturang relihiyosong tao, tinatanong nila, “Kapatid, kumusta ka sa mga araw na ito?” Sasagot siya, “Pakiramdam kong may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko kayang tuparin ang nais ng Kanyang puso.” Sasagot ang isa pa, “May utang na loob din ako sa Diyos ngunit hindi ko Siya kayang bigyang-kasiyahan.” Sa mga pangungusap at salita lamang na ito ay ipinapahayag ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa loob ng kanilang mga puso. Ang mga naturang salita ang pinaka-nakapandidiri at lubusang kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng naturang tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa katotohanan ay nakikipag-usap kung anuman ang nasa kanilang mga puso at binubuksan ang kanilang mga puso sa pakikipag-usap. Walang anumang bakas ng masamang gawa, walang kunwaring paggalang o mga walang katuturang pagbibiro. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na makamundong patakaran. May mga taong may pagkahilig sa pagkukunwari, kahit walang anumang kahulugan. Kapag kumakanta ang isa pa, nagsisimula siyang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanyang palayok. Ang mga naturang uri ng tao ay hindi maka-Diyos o kagalang-galang, at masyadong mababaw. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng kakulangan ng katotohanan! Ang ilan ay nagtitipon upang makipagniig tungkol sa mga bagay ng ispiritwal na buhay, at bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, pinananatili nila ang tunay na pagmamahal sa Kanya sa loob ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa iba; may utang na loob ka sa Diyos, hindi sa tao. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagtanggap sa katotohanan, hindi panlabas na sigasig o pakitang-tao.

Ano ang kinakatawan ng mga panlabas na mabubuting gawa ng tao? Kinakatawan ng mga ito ang laman, at kahit na ang pinakamaganda sa panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay, tanging ang iyong sariling indibidwal na pag-uugali. Hindi kayang tuparin ng mga panlabas na gawi ng tao ang nais ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin ang iba na mahalin ang Diyos. Naniniwala ka bang ikalulugod ng Diyos ang mga naturang kilos? Naniniwala kang ito ang nakalulugod sa kalooban ng Diyos, na ito ay para sa espiritu, ngunit ang totoo ay isa itong kabaliwan! Naniniwala ka na kung ano ang kasiya-siya sa iyo at kung ano ang nais mo ay nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kaligayahan mo ang sa Diyos? Kaya bang katawanin ng karakter ng tao ang Diyos? Ang kasiya-siya sa iyo ay ang tiyak na kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay ang pinandidirihan at inaayawan ng Diyos. Kung pakiramdam mo na may utang na loob ka, kung gayon ay manalangin ka sa Diyos. Hindi kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay laging kumukuha ng atensyon sa iyong sarili sa presensya ng iba, kaya ba nitong tuparin ang nais ng kalooban ng Diyos? Kung laging panlabas lamang ang iyong mga kilos, nangangahulugan na ikaw ang pinakahambog sa mga tao. Anong uri ng tao siya kung pakitang-tao lamang ang paggawa niya ng mabuti ngunit salat sa katotohanan? Ang mga naturang tao ay mga ipokritong Fariseo at relihiyosong tao! Kung hindi niyo iiwan ang inyong mga panlabas na gawi at hindi kayang gumawa ng mga pagbabago, mas lalong mananaig sa inyo kung gayon ang mga elemento ng pagka-ipokrito. Kung mas higit ang mga elemento ng pagka-ipokrito, mas higit ang pagsalungat sa Diyos, at sa katapusan, ang mga naturang uri ng tao ay siguradong itatakwil!

mula sa “Dapat na Nakatuon sa Katotohanan ang Pananampalataya sa Diyos, Hindi sa mga Relihiyosong Ritwal” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maaaring sa lahat ng mga taon ng iyong pananampalataya sa Diyos, hindi mo kailanman isinumpa ang sinuman o nakagawa ng masama, ngunit sa iyong pakikipag-ugnay kay Cristo, hindi mo mabigkas ang katotohanan, o sundin ang salita ni Cristo; sinasabi ko ngayon na ikaw ang pinaka-mapanlinlang at pinakamasama sa mundo. Kung ikaw ay talagang magandang-loob at tapat sa iyong mga kamag-anak, mga kaibigan, asawang babae (o asawang lalaki), anak na lalaki at mga anak na babae, at mga magulang, at hindi kailanman nananamantala ng iba, gayunman ay hindi ka maaaring maging kaayon at makipagpayapaan kay Cristo, at kahit na ibigay mo ang lahat ng pag-aari mo sa iyong kapwa o kinalinga nang mabuti ang iyong ama, ina, at kasambahay, sinasabi ko pa ring ikaw ay masama, at may katusuhan din. Huwag mong isipin na ikaw ay kaayon kay Kristo kung ikaw ay kaayon sa tao o gumagawa ng ilang mabubuting gawa. Naniniwala ka ba na ang iyong kagandahang-loob ay maaaring nakawin ang pagpapala ng Langit? Sa tingin mo ba na ang mabuting gawa ay ang panghalili para sa iyong pagsunod? Wala sa inyo ang maaaring tumanggap ng pakikitungo at pagpupungos, at ang lahat ay nahihirapang tanggapin ang normal na pagkatao ni Cristo. Ngunit lagi ninyong inaangkin ang pagsunod sa Diyos. Ang naturang pananampalataya gaya ng sa inyo ay magdadala ng karampatang kagantihan.

mula sa “Ang mga Hindi Kaayon kay Kristo ay Tiyak na Kalaban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Pagbabahagi ng Tao:

Ang mga taong walang katotohanan ay pinag-uusapan ang pamumuhay ng isang mabuting sangkatauhan na para bang ito’y kapareho ng katotohanan. Lakas-loob mo bang pinapatunayan na ang pamumuhay ng isang mabuting sangkatauhan ay tumutugma sa katotohanan? Lakas-loob mo bang pinapatunayan na ito’y isang bagay na positibo? Buweno, anong masasabi n’yo: Ang pagmamahal ba sa tao ay pareho sa pagmamahal sa Diyos? Hindi ito pareho. Minsan, ang pagmamahal sa tao ay pagmamahal kay Satanas, isa itong emosyonal na pagmamahal, isang pagmamahal na isinilang sa mga sariling naisin at interes. Para magbigay ng isang simpleng halimbawa: Kapag ang isang tao ay may kalikasan ng isang demonyo, kung mahal nila ang mga demonyo, anong uri ng pagmamahal mayroon sila? Hindi nila mahal ang Diyos, ngunit mahal nila ang mga demonyo. Hindi ba ito ang pagmamahal kay Satanas? Ang pagmamahal kay Satanas ay sumasalungat sa katotohanan, ito’y pagkamuhi sa katotohanan, at ito’y sumasalungat sa kung ano mayroon ang Diyos at kung ano Siya at sa pagmamahal ng Diyos. Sa tingin mo ba na ang pagkakaroon ng pagmamahal ay nagpapabuti sa mga tao. Ang kanilang pagmamahal ay walang katotohanan, ito’y pagmamahal sa mga negatibong bagay, at kaya ito’y pagmamahal kay Satanas. Hindi ba’t ang ilan sa kanilang mga kabaitan ay pagsasalungat sa katotohanan, at kaya, kahit na sa iba ay mukha silang mabubuting tao, at parang kahanga-hanga at karapat-dapat na purihin, hindi nangangahulugan na ang habol nila ay ang puso ng Diyos, at maaaring maging isang negatibong tao. Hindi ba ito tama? Kaya, kahit pa ang tiwali ay mukhang mabuti o masama sa mga tao, sa Diyos sila lahat ay Satanas, silang lahat ay may taglay na malasatanas na disposisyon, silang lahat ay tiwali, at silang lahat ay may pagkamuhi sa Diyos. Magbigay tayo ng ilang mga halimbawa: Paano, sabihin ninyong, nagawa ng mga tao sa relihiyon na ipako si Cristo sa krus? At nang ipinako nila si Cristo sa krus, ano ang mga nagtulak sa kanila? Naniwala ba sila na ang kanilang mga motibasyon ay mali? Akala nila sila’y nagiging matapat sa Diyos, na itinataguyod nila ang gawain ng Diyos, at matibay na tumatayo sa kanilang patotoo—subalit sa mga mata ng Diyos sila’y sumasalungat sa Kanya, at naging mga kalaban Niya. Ano sa tingin mo iyon? Ngayon, kinokondena ng relihiyosong komunidad ang gawain ng Diyos ng mga huling araw, muli na naman nilang ipinako sa krus si Cristo, at sa kanilang mga isipan akala nila itinataguyod nila ang gawain ng Diyos, at nagiging tapat sa Diyos, at hindi sa pagkamuhi sa Diyos. Akala nila na mahal lang nila ang Diyos, na sila lang ang pinakatapat sa Diyos. Hindi ba iyon ang kanilang akala? Kaya, sa tiwali, sa pag-iisip at pagkilos sa ganitong paraan, tama ang kanilang ginagawa, at ganap na wasto—subalit, sa Diyos, sila’y walang duda na salungat sa Kanya, sila’y Kanyang mga kaaway. Paano mo ito bibigyan ng kahulugan? Ang pagiging mabuti ba ay nangangahulugan na ang habol ng mga tao ay ang puso ng Diyos? Ibig bang sabihin nito na sila ay matuwid? Ibig bang sabihin nito na nababagay sila sa Diyos? At kaya, kapag wala ang katotohanan, mahahabol ba ng mga tao ang sariling puso ng Diyos? Kapag wala ang katotohanan, hindi ba nila sinasalungat ang Diyos? Kaya ang kabutihan ba ng mga tao ay positibo o negatibo? Sa karamihan ng mga kaso, ang kabutihan ng mga tao ay negatibo, dahil ito’y masyadong marumi, nabahiran ito ng kamandag ni Satanas, at walang nilalamang katotohanan. At kaya, kapag ang kanilang mga “motibasyon” ay mabuti, sa kanilang mga pagkilos hindi nangangahulugan na isinasagawa nila ang katotohanan, at maaaring sinasalungat ang Diyos, at nasa tahasang pagkamuhi sa Diyos; ang buong katunayan nito ay makikita sa pagsalungat at pagrebelde ng relihiyosong komunidad laban sa Diyos, at sa kanilang pagpako sa krus kay Cristo sa pangalawang pagkakataon. … Kaya, kapag ang mga tao ay “namumuhay,” kapag ginagawa nila “ang tamang bagay” at gumagawa ng “mabubuting gawa,” ang mga ito ay hindi nangangahulugan na tumutugma sa katotohanan; ang ilan sa kanilang mga pagkilos ay sumasalungat sa Diyos, at maaari pa ngang ilarawan bilang masama, o taliwas, o katrayduran sa Diyos. Nakikita mo na ngayon itong mga bagay nang malinaw, di ba? Kahit gaano pa kaganda isipin ang isang bagay ng mga tao, hindi ibig sabihin nito na taglay nila ang katotohanan, o realidad; tanging sa pagsasagawa ng katotohanan ang pagkakaroon ng realidad.

mula sa “Pagsasama at Pangangaral Hinggil sa mga Salita ng Diyos na ‘Tanging ang Pagsasagawa ng Katotohanan ang Pagkakaroon ng Pagkatotoo’” sa Mga Sermon at Pagsasama sa Pagpasok sa Buhay (VI)

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento